Sa isang baryo sa Nueva Ecija, mayroong mag-ama na nakatira na ang hanapbuhay ay mag-alaga ng mga kalabaw para paanakin at ibenta ang anak sa kabayanan.
Kadalasan ay sa mga burol sila naglalagi upang ipastol ang mga alagang kalabaw.
Isang araw, matapos na ipastol sa burol ang isang bulo (maliit na anak ng kalabaw) ay nagdesisyon ang mag-ama na bumaba ng kabayanan para ibenta ito.
Habang binabagtas ng mag-ama ang talampas pababa ng burol kasama ang bulo ay naisip ng ama na pasakayin ang anak sa bulo upang hindi ito mapagod sa paglalakad.
Sa kalagitnaan ng paglalakad ay nakasalubong nila ang isang matandang babae na nangangahoy sa di kalayuan.
"Aba, damuhong bata ire! Ano'ng klaseng anak ka ba at 'di ka na naawa sa tatay mo? May edad na ang tatay mo e ikaw pa ang nakasakay diyan sa bulo!" Sabi ng matanda sa batang nakasakay sa kalabaw.
Nagkatinginan ang mag-ama.
Mabilis na bumaba ang bata sa bulo at pinasakay ang ama niya. Agad din nilang itinuloy ang paglalakad pababa sa burol.
Makalipas ang kalahating oras, isang lalaking nakasakay sa kabayo ang nasalubong nila sa daan.
"Pare, tingnan mo naman 'yang anak mo. Pawis na pawis sa paglalakad habang ikaw e kumportable diyan sa ibabaw ng bulo. Hindi ba dapat ang anak mo ang nakasakay at ikaw ang naglalakad?" Puna ng lalaking nakasakay sa kabayo.
Muli, nagkatinginan ang mag-ama. Agad na bumaba ang ama at pinasakay ang anak na lalake sa bulo.
Itinuloy nila ang paglalakad. Tirik na ang araw at nagsisimula nang mapagod ang bulo dahil sa bigat ng nakasakay na anak na lalaki.
Nang malapit na sa sila sa mababaw na ilog na nagdudugtong sa bayan at baryo ay nasalubong nila ang grupo ng mga turista na dumayo sa kanilang lugar.
Napansin kaagad ng mga ito ang bulo na tila ba pagod na pagod at nauuhaw.
"Ano ba naman kayong dalawa? Ang liit-liit pa ng kalabaw na 'yan e sinakyan niyo na agad? Wala kayong awa sa alaga niyo. Dapat nga kayo ang bumubuhat diyan sa bulo." Ang malakas na tinig na sa sabi ng isang turista.
Nagkatinginan uli ang mag-ama. Nagkamot ng ulo ang tatay sabay lapit sa anak.
"Ang mabuti pa anak ay ganito ang gawin natin." Bulong ng ama sa anak.
Pagkatapos niyon ay kumuha ng kawayang mahaba ang ama at sinimulan nilang gapusin sa paa ang bulo. Isinabit nila sa kawayan ang nakataling bulo at pinagtulungan nilang buhatin ang magkabilang dulo ng kawayan.
Habang tumatawid sila ng ilog bitbit ang bulo sa kawayan ay nakita ng bulo ang sarili sa repleksyon ng tubig. Nang makita ng bulo ang sariling kalagayan ay nagpumiglas ito sa takot at nakatakas sa pagkakatali.
Dali-dali itong tumakbo palayo at hindi na naabutan pa ng mag-ama.
Moral Lesson:
Hindi mo mapagbibigyan ang kagustuhan ng lahat ng tao. Sa kakasunod mo sa kanila, ikaw pa ang mawawalan sa bandang huli.
Learn to say "No."
Huwag matakot na baka ikasama ng loob ng ilang kamag-anak at kaibigan kung tatanggi ka sa mga pabor na hinihiling nila sa 'yo.
Kung "yes ka lang ng yes" walang mangyayari sa 'yo. Sila ang magkakaroon, ikaw ang mawawalan.
Kuha mo?
No comments:
Post a Comment