The Photo is owned and photographed by photographer Jun L. Parungao |
Sa panahon ng krisis, alam natin na tumataas ang presyo ng mga bilihin. Pati ang bigas na pangunahin nating binibili ay tumataas din ang presyo at hindi na yata bababa pa.
Ang tanging magagawa na lang natin ay gumawa ng hakbang na makakatulong para mabawasan ng kahit kaunti ang gastusin. Isa sa mga ito ay ang pagtatanim sa ating bakuran.
Isa sa mahusay na pwedeng itanim sa bakuran ay kamoteng kahoy. Madaling patubuin dahil kahit mainit ang panahon at hindi madalas madiligan, ito'y mabubuhay at magkakalaman.
Para sa kaunting kaalaman, ang kamoteng-kahoy o Cassava sa ingles ay isang uri ng halamang-gubat na nagsisilbing pangunahing pagkain sa mga lugar na tulad ng Mindanao.
Kadalasan, ginagawang harina ang laman na nabuo sa ugat nito para gawing tinapay.
Subalit sa mga katagalugan, ito ay madalas na inilalaga lamang. Isinasawsaw sa asukal at ginagawang miryenda.
Ang ilan naman ay ginagawang cassava cake para pagkakitaan.
Kaya lang, ingat sa pagpili ng kamoteng-kahoy na itatanim. Alam naman natin na may taglay na lasong cyanogenic glucosides (linamarin at lotaustralin) ang dahon at ugat nito. Piliin ang mga "sweet variety" dahil napag-alamang mababa ang toxic content nito kumpara sa mga mapapait na klase. Baka sa halip na mabuhay at lalo pa tayong matepok.