Photographer: Giodeth Xyza |
Domesticated ang mga ito o ibig sabihin ay maaari natin silang alagaan sa ating bakuran at ituturing din nilang tirahan ang tirahan natin.
Karamihan sa mga kalapating makikita natin ay "native" at may mga nag-aalaga rin naman ng mga imported type na tinatawag na "racing pigeon."
Ang native type ay kadalasang may taglay na kulay asul, brown, gray at batik ang mga balahibo at may kaliitan ang butas ng ilong. Ang mga racing type naman ay halos puti ang kulay at malalaki ang butas ng ilong--isang palatandaan na itinuro sa akin ng mga sanay na sa pag-aalaga ng kalapati.
Pinaniniwalaan din na mas matatalino ang racing type kaysa sa native. Noon kasi, uso sa mga nag-aalaga ng kalapati ang karera kung saan pipili ka ng pinaka-domesticated upang isali dito.
Ang sistema ng laro, magkasabay na pawawalan ng magkatungali ang kalapati sa malayong lugar at ang kalapati na unang makakabalik sa tirahan ay ang magwawagi.
Noong kabataan ko, nakahiligan naming magpipinsan ang pag-aalaga ng kalapati. Madali kasi silang paramihin at hindi maselan sa pagkain. Nakakatuwa ring pagmasdan na sabay-sabay silang lumilipad sa himpapawid habang umiikot-ikot sa malapit sa ating tahanan. At kapag napaamo mo sila ng tuluyan, maaari mo rin silang hawakan ng hindi natatakot sa 'yo.
Pagpaparami
Kung gusto natin silang paramihin, kailangan mo lang silang gawan ng mga tirahan na may sukat ng mas malaki ng kaunti sa kahon ng sapatos at lagyan ng pinto na kasya lamang sila.
Monogamous at territorial ang mga kalapati kaya sa isang kahon na magagawa mo, isang pares na babae at lalaki lamang ang pwedeng tumira. Kapag nagustuhan nila ang bahay nila, dito na sila magsisimulang bumuo ng kani-kanilang pamilya.
Ang babaeng kalapati ay kayang maglabas ng hanggang dalawang itlog. Kapuwa ang lalaki at babaeng kalapati ang mag-iincubate nito sa loob ng 19 araw. Sa loob lamang ng isa o dalawang buwan ay may mga inakay na kalapati ka na.
May mga natural na kalaban din ang kalapati tulad ng pusa, daga at aso. Kaya mas mabuting ilagay sa mataas na lugar ang kanilang tirahan.
Pagbebenta
Madaling ibenta ang mga kalapati. Noong kabataan ko ay P30.00 lang ang isang pares, ngayon ay pumapatak ng P300.00 to P500.00 ang isang pares.
Mas mahal nag mga racing type at ang mga kalapating kulay puti dahil ito ang kadalasang ginagamit sa mga seremonya ng kasal.